Tiniyak ng Deparment of Health sa publiko na hindi nakakaalarma ang sitwasyon sa ngayon sa kabila pa ng pagtaas ng COVID-19 cases sa ilang parte ng bansa.
Sinabi din ng ahensiya na aktibo silang nakabantay sa sitwasyon.
Subalit binigyang diin ni Health Undersecretary Eric tayag ang kahalagahan pa rin ng pag-iingat lalo na ngayong holiday season dahil sa mga inaasahang mga pagtitipun-tipon sa mga Christmas party.
Dapat aniyang gawin ng publiko ay Christ-Mask party na ibig sabihin ay magsuot pa rin ng face mask.
Bagamat inirerekomenda ng ahensiya ang pagsusuot ng face mask lalo na kapag may pagtitipun-tipon, nilinaw ng DOH official na hindi pa rin mandatoryo ang pagsusuot ng facemask subalit ito ay beneficial o makakatulong para hindi magkahawaan sa sakit.
Kumpiyansa din ang opisyal na ang kasalukuyang virus strain ay hindi inaasahang magdudulot ng malubhang banta dahil na rin sa malaking bilang ng mga Pilipino na nakakumpleto na ng bakuna at nabakunahan ng booster vaccine.
Muli namang binigyang diin ng opisyal ang paalala ni DOH Sec. Ted Herbosa na dapat na magsuot ng face mask ang mga senior citizen, mga buntis o may maintenance medications kapag lumalabas ng bahay o sumasakay sa mga pampublikong transportasyon.