Nilinaw ng Department of Health (DOH) na bukas sa adjustment ang pagpapatupad ng bagong guidelines sa COVID-19 testing ng outbound travelers o mga pinapayagang bumiyahe palabas ng Pilipinas.
Pahayag ito ng ahensya kaugnay ng requirement na paggamit ng antigen test ng mga biyahero.
“We will be aligining with receiving country whatever their requirements would be,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Aminado si Vergeire na “for specific purposes” lang inirerekomenda ang paggamit ng antigen test at ang RT-PCR pa rin talaga ang gold standard. Pero na-resolba raw sa level ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang requirement sa naturang testing strategy.
“Whatever the requirements of countries receiving our travelers that should be complied by our travelers.”
Ipinaliwanag ng Health spokesperson na maaari nang ideklarang bilang confirmed case ang isang symptomatic close contact na magpo-positibo sa antigen test. Kapag negatibo naman, ay irerekomenda itong magpasailalim sa RT-PCR test bilang confirmatory test.
Patuloy pang pinag-aaralan ng mga eksperto ang pagiging epektibo ng antigen test. Kasalukuyang lumalakad ang pilot test ng nasabing test kit sa Baguio City, na kamakailan ay napabalitang bigo sa pag-abot ng standards ng DOH.
“Unfortunately, ay hindi po pumasa. Sabay ho ginawa yung PCR test at tsaka ‘yung antigen test. Ang lumabas pong resulta, kung hindi ako nagkakamali, ay mahigit kalahati lang po ang tugma ng antigen test sa lumabas na resulta ng PCR test,” ani National Task Force Against COVID-19 spokesperson Restituto Padilla.
Sakop ng bagong Omnibus Guidelines ang panuntunan sa paggamit ng antigen test ng outbound travelers. Nakapaloob din dito ang patakaran sa testing ng mga papasok naman ng Pilipinas na returning Filipinos.