MANILA – Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga local government units na aktibo ngayong nagpapahayag ng kanilang planong distirbusyon ng libreng COVID-19 vaccines sa kanilang komunidad.
Reaksyon ito ng ahensya matapos ang magkakasunod na anunsyo ng Metro Manila mayors na may inilaan na silang pondo para sa kani-kanilang vaccine supply.
“Yung emergency use authorization (EUA) na ibibigay ng Food and Drug Administration (FDA) dito sa mga manufacturers ng bakuna, ang pwede pa lang bumili niyan ay national government lang,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“Nagiging available lang sa market ang isang produkto kapag mayroon na siyang certificate of product registration (CPR), at hindi pa mabibigyan ang mga bakunang ito ng CPR kasi hindi pa naman effectively or technically tapos yung kanilang clinical trials,” dagdag ng opisyal.
Nitong Lunes, magkakasunod na nag-anunsyo ang mga lokal na pamahalaan ng Makati, Pasig, Mandaluyong, Valenzuela, at Navotas na mamimigay sila ng libreng coronavirus vaccines sa kanilang mga residente.
Nagpahayag din ang bayan ng Pateros, at mga lungsod ng Muntinlupa, Malabon, Taguig, at San Juan.
Una nang nag-anunsyo ang Maynila at Paranaque ng kanilang mga inisyatibo.
“Ang LGUs, hinihikayat ng national government to work with us because we can pool the funds and can procure; and we can have an effective distribution system, ito yung ating kinakausap natin ngayon sa mga LGU so that we can have unified effort at hindi magkaroon ng technicalities and also we can be able to monitor as well,” ani Vergeire.
Binigyang diin ng Health spokesperson na DOH pa rin ang nagpapatupad ng National Immunization Program kaya umaasa sila na makikipagtulungan ang mga lokal na pamahalaan pagdating sa usapin ng bakuna.
“We can assure the LGUs that based on the priority list kasama kayo lahat sa ating listahan, try to work (us) with so that we can have a more effective vaccination deployment implementation.”