Nakapagtala pa ang bansa ng 16,324 dengue cases mula June 5 hanggang July 2, 2022.
Ayon sa Department of Health (DOH) base sa National Dengue Data noong July 2, nasa 20 percent o 3,196 ng 16,324 cases ang naitala sa Central Luzon.
Sinundan ito ng National Capital Region (NCR) na may 1,729 dengue cases (11%) at Central Visayas na mayroong 1,703 cases (10%).
Sa kabuuan, nasa 65,190 dengue cases na naitala mula sa buong bansa mula noong buwan ng Enero hanggang Hulyo 2.
Katumbas ito ng 83 percent na mas mataas kumpara sa mga naitalang kaso sa parehong period noong nakaraang taon.
Nasa 35,715 dengue cases lamang ang naitalang kaso mula January 1 hanggang July 2, 2021.
Ang mga namatay naman dahil sa dengue ay nanantili sa 274, o mayroong 0.4 percent case fatality rate.
Sa mga namatay, 36 dito ay naitala noong January; 32 noong February; 39 noong March; 46 noong April; 63 noong May at 58 noong June.
Nasa 13 sa 17 rehiyon naman sa bansa ang nalagpasan na ang dengue epidemic threshold sa nakalipas na apat na linggo o mula June 5 hanggang July 2, 2022.
Nagpakita naman ng sustained increasing trend o tumataas na kaso ang Central Luzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, Bangsamoro Region at Cordillera Administrative Region sa parehong period.
Karamihan naman sa mga naitalang dengue cases o 14 percent ay nai-report sa Central Luzon na mayroong 9,448 cases.
Sinundan ito ng Central Visayas with 7,771 cases (12%) at Zamboanga Peninsula na mayroong 5,708 cases (9%).
Una rito, sinabi ni DOH-OIC at Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang pagtaas ng kaso ng dengue bansa ay nakababahala na raw dahil ilan sa mga indibidwal ay naa-admit na sa mga pagamutan.
Dahil dito, ipinanukala na ng isang infectious disease expert ang muling paggamit ng Dengvaxia vaccine para maprotektahan ang ating mga kababayan.
Sinabi ni Infectious disease expert Dr. Edsel Salvana na sa pamamagitan daw ng Dengvaxia vaccine ay naibababa nito ang risk o panganib ng severe infection bastat nagamit ito nang maayos.