Nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) matapos tanggihan National Task Force ang hiniling ng ilang doktor sa Bacolod City na isailalim sa enhanced community quarantine ang lungsod dahil sa tumaas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi sapat ang lockdown para matuldukan ang pagkalat ng sakit sa siyudad.
“Kailangan natin tandaan as we always say, community quarantine is not the only intervention for COVID-19. Kailangan maintindihan na kung saka-sakali na nagbigay tayo ng dalawang linggo (na ECQ) for example, it is not that specific period of time that cases will drastically be reduced, na biglang bababa yan.”
“Even experts are saying na we cannot stay in lockdown forever because there are other aspects of our lives that are being affected already because of this lockdowns and community quarantine.”
May mga nagtungo na raw na opisyal sa Bacolod, na tumukoy sa mga umuwing locally stranded individuals bilang sa sa dahilan ng tumaas na kaso ng siyudad.
Tumulong din daw ng mga opisyal para makapagtayo ng command system ang lungsod nang mas epektibo nilang ma-asistehan ang kanilang COVID-19 cases.
“Inayos na para magkaroon ng parang command system for hospitals sa Bacolod so that we can somehow decongest, and then tinutulungan na rin sila ngayon para sa mga temporary treatment and monitoring facilities para ma-decongest ang ospital, para mai-ayos ang response sa specific area.”
Noong Hulyo nagsumite ng liham kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang doktor sa Bacolod para hilingin na striktuhan muli ang galaw ng mga tao sa lungsod nang ma-kontrol ang pagkalat ng sakit.
Sinabi rin ng mga doktor na hindi handa ang Bacolod City sa kritikal na laban sa COVID-19 dahil kaunti lang ang kanilang mga ospital at limitado rin ang kanilang kapasidad at mga gamit.
Pero ayon kay NTF chief implementer Sec. Carlito Galvez, hindi praktikal na isailalim sa ECQ ang lungsod.
COVID-19 CASES ‘SPIKE’ SA NEGROS OCCIDENTAL
Pinag-aaralan na rin daw ng DOH ang sitwasyon ng buong Negros Occidental dahil isa ito sa mga lalawigan na mataas ang bilang ng bagong kaso sa nakalipas na araw.
Ayon kay Usec. Vergeire, LSIs din ang nagparami sa COVID-19 cases ng buong probinsya. Pati na ang mga tinatawag na APOR (Authorized Persons Outside Residence), at mga inbound travelers sa lalawigan.
“We verified na talagang yung mga umuwi papunta sa kanilang areas, yun talaga yung nakapagpa-increase ng mga kaso (ng COVID-19) nila.”
Sa datos na inilabas ng Negros Occidental Provincial Government, 966 na ang COVID-19 cases ng lalawigan as of August 24.