-- Advertisements --

Nilabas na ng Department of Health (DOH) ang bago nitong format ng case bulletin na naglalaman ng mga datos tungkol sa sitwasyon ng COVID-19 sa Pilipinas.

Nitong Lunes nang ilabas ng ahesnya ang bagong format na naglalaman pa rin ng mga mahahalagang datos tulad ng bilang ng mga bagong kaso, gumaling at namatay sa sakit. Pati na ang total ng mga naging infected sa coronavirus.

Ayon sa Health department, bagamat mas umikli na lang sa isang pahina ang case bulletin, nilalaman pa rin nito ang mga impormasyon pinaka-kailangan malaman ng publiko.

“Through the enhanced reporting of our case bulletins, we hope to equip the public by updating them with data that not only has integrity, but also easy to understand,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang press release.

Hindi rin nawala sa bagong case bulletin ang listahan ng mga lugar na nakapagtala ng mga bagong kaso ng sakit at positivity rate, o porsyento ng mga nagpo-positibo mula sa populasyong sumailalim sa test.

Napagdesisyunan daw ng kagawaran na gawing tagalog ang content o nilalamang paliwanag ng bulletin para mas madaling maintindihan ng bawat makakabasa.

“As a platform to also empower the public, the case bulletins will also include public health messages to remind them of the infection and prevention control measures, and referral links to DOH channels to keep the public on the loop on where to find science-backed and evidence-based information on managing the novel sickness and preventing the spread of the virus,” ayon sa DOH press release.

Tiniyak ng ahensya na makakarating din sa iba pang opisina ng DOH ang ilalabas nilang mga bagong case bulletin. Ang mga inalis namang datos mula sa dating bulletin ay ipapaskil sa Beat COVID-19 Philippine Situationer.

Nitong Lunes, pumalo na sa higit 7,000 ang namatay sa bansa dahil sa COVID-19. Kasali ang 7,039 deaths sa total case count na umabot nang 371,630. Ang mga gumaling ay nasa 328,258.