Nagbanta si Health Secretary Francisco Duque III papanagutin ang nagbebenta ng COVID-19 vaccines.
Nakokompromiso kasi aniya ng mga ito ang vaccination program ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Ayon sa kalihim, kailangan parusahan ang sinumang mahuhuli na nagbebenta ng bakuna kontra COVID-19.
Sa kabilang banda, kinwestiyon naman ni Duque kung paano nagawang itago ng mga nagbebenta na ito ang mga bakuna sa COVID-19 na nangangailangan nang matinding pag-iingat lalo na sa storage nito.
Kahapon nang ipinaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na ang mga bakuna sa COVID-19 ay hindi binebenta.
Ito ay matapos na tatlong katao ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos mahuli na nagbebenta ng COVID-19 vaccines.
Sa ngayon, nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Food and Drug Administration Act.










