Dumepensa ang Department of Health (DOH) sa pahayag ng Malacanang ukol sa hindi umano malinaw na panuntunan sa pagho-home quarantine ng mga mild at asymptomatic cases ng COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire malinaw ang nakasaad sa inilabas nilang Department Memorandum noong April 11 na mga local government units at barangay health emergency response team (BHERTs) ang dapat na manguna sa monitoring ng COVID-19 cases na nagpapagaling sa kanilang mga tahanan.
Ibig sabihin, sakop ng mga nabanggit na local offices ang pagsisiguro na nasusunod ng mga nag-home quarantine ang ipinatupad na guidelines.
Tulad nang dapat may sariling kwarto at palikuran sa bahay ang magho-home quarantine na confirmed case. At dapat wala itong kasama sa bahay na matanda, buntis at iba pang itinuturing na vulnerable.
Ang panuntunan na mga ito ay pinagtibay pa raw ng isang Joint Administrative Order ng Health department at DILG noong April 15.
“Nakalagay talaga dyan (sa Department Memorandum), kailangan yung BHERTs natin, which expanded later on in this response. Hindi na lang yang mga local health officials, dinagdagan na yan ng mga kasama natin sa local system.”
“Katulad ng mga PNP, Bureau of Fire (and Protection), kumuha sila ng volunteers. So this is expanded already and they are mandated na imo-monitor nila ‘yang mga taong ‘yan na naka-quarantine sa kani-kanilang bahay para nakikita natin yung progress ng sakit, nasisiguro natin na sila ay naka-isolate at hindi nakikisalamuha sa kanilang pamilya.”
Aminado si Usec. Vergeire na hamon ang miscommunication o hindi wastong pagbababa ng mga impormasyon dahil sa iba-iba ring interpretasyon ng mga opisyal sa bawat polisiya at panuntunan na kanilang ibinababa.
Pero nilinaw ng opisyal na natugunan na nila ang issue na ito at patuloy na inaalam ang iba pang problema sa paghahatid ng impormasyon.
“Sinu-supplement namin yan with explanations by attending townhalls, meetings with them so that we can further explain yung mga policies na ‘to.”
“When we do our meetings, we usually do it with higher level officials of government ng local. And then we have townhalls na kausap namin yung public information officers kapag binibigay natin ang mga ganitong patakaran.”
Ang pahayag na yan ng DOH ay tugon sa sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na nakaapekto rin sa pagtaas muli ng COVID-19 cases sa bansa ang malabo umanong guidelines ng ahensya sa home quarantine.