Inamin ng Department of Health (DOH) na may bagong ebidensyang natuklasan ang mga eksperto hinggil sa posibilidad na maipasa ang COVID-19 ng mga pasyenteng walang ipinamalas na sintomas ng sakit.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, lumabas sa isang analysis kamakailan na posibleng mangyari ang “pre-symptomatic” transmission ng COVID-19.

“Experts have been saying in this recent evidence that presymptomatic transmission really occurs,” ani Vergeire sa isang online briefing.

Ibig sabihin, posibleng maipasa ang sakit ng isang COVID-19 patient na hindi pa nagkakasintomas, lalo na kung lumala na ang viral load nito sa katawan tatlong araw bago lumabas ang sintomas.

“May mga ebidensya na transmission occurs from patients who are lab-positive for COVID-19 but have no symptoms yet, or report that they have no symptoms but have very mild symptoms,” dagdag ng opisyal.

Aminado ang kagawaran na malaking hamon ang pagtukoy sa mga pre-symptomatic at asymptomatic patients dahil hindi lahat ng pasyente ay may nararamdamang sintomas kaya hindi rin sila agad nakapagre-report.

Batay sa datos ng DOH, 93-percent ng COVID-19 cases sa Pilipinas ang may mild na sintomas.

Dahil sa bagong resulta ng pag-aaral, kakailanganin daw mag-adjust ng DOH para sa mas mahigpit na paghawak sa mga kaso ng sakit at contact tracing.