Nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) matapos ulanin ng kwestyon ang malaking reimbursement na natanggap ng Southern Philippines Medical Center sa Davao City para sa COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nakabase sa tatlong buwang historical claims ng nakaraang taon ang computation ng interim reimbursement mechanism (IRM) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga ospital.
Ikinokonsidera rin daw sa pagbibigay ng IRM ang laki at kapasidad ng pagamutan.
“SPMC is a 1,200-bed hospital. Comparing it with other hospitals, ito na ang pinakamalaking hospital na meron tayo and they take a lot of cases, even specialized cases. Kaya hindi rin tama na ma-ico-compare natin ito sa mga regions with COVID-19 cases,” ani Vergeire.
Sa pagdinig ng Senado sa umano’y korupsyon sa loob ng PhilHealth, lumabas na SPMC ang nanguna sa listahan ng mga ospital na may pinakamataas na IRM.
Umabot sa P326-milyon ang natanggap ng Davao-based hospital, na mas mataas sa Philippine General Hospital na may alokasyon lang na P263-milyon.
“Kaya kung saka-sakaling mataas, marahil iyon ang kadahilanan, iyong kalakihan ng kanilang ospital.”
Paliwanag ng opisyal may kapasidad ang SPMC na humawak ng specialty cases, at iba’t-ibang uri ng cancer. May mga pasilidad din daw ang pagamutan na gumagamit ng high technology equipment.









