-- Advertisements --

MANILA – Maglalabas nng bagong guidelines o panuntunan ang Department of Health (DOH) hinggil sa pagtuturok ng COVID-19 vaccine ng AstraZeneca.

Ito ang sinabi ng ahensya matapos muling aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang distribusyon ng British-Swedish vaccine.

“Tayo ay maglalabas ng isang guideline para sa paggamit ng AstraZeneca (vaccine) to include these different precaution na binigay ng FDA,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Kung maaalala, pansamantalang hininto ng Pilipinas ang rollout ng naturang bakuna dahil sa pambihirang side effect na naitala sa mga naturukan nito sa ibang bansa, tulad ng pamumuo ng dugo.

Sa kabila nito nilinaw ng mga dalubhasa na epektibo pa rin at ligtas gamitin ang AstraZeneca vaccine sa populasyon.

“The benefit outweighs the risk. Kailangan natin balikan na napakaliit na porsyento ng mga populasyon na naapektuhan ng adverse events sa AstraZeneca.”

“Kailangan lang magkaroon ng extra precautions at nagbanggit siya (FDA) na maaaring may ginagamit gamot ang isang tao like blood thinners.”

Ang desisyon ng FDA ay kasunod ng rekomendasyon ng World Health Organization at National Immunizatin Technical Advisory Group.

Samantala, nilinaw naman ni Vergeire na kailangan pa rin sundin ang priority list sa pagbabakuna ng mga pasyenteng gumaling na sa COVID-19.

Ito’y kasunod ng bagong guideline sa pagbabakuna, na nagsasabing pwede na ring magpaturok ng coronavirus vaccines ang mga recovered patients.

“We still follow the prioritization framework. We just want to emphasize that after you recover you can immediately have your vaccination already if you are part of the A1 to A3 priorities of the government.”