-- Advertisements --

Kinalampag ng ilang kongresista ang Department of Health (DOH) na punuan ang libu-libong unfilled positions sa kagawaran.

Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa P127.2-billion proposed 2021 budget ng DOH, sinabi ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro na nasa 14,000 ang bakanteng posisyon sa kagawaran.

Ayon kay Castro, sa halip na patuloy na kumuha ng mga empleyadong nasa ilalim ng job order o contract of service ay dapat punuan na lamang ng DOH ang mga bakanteng posisyon na mayroon ito sa ngayon.

Sinabi ni Health Usec. Roger Tong-an na karamihan sa mga unfilled positions ng DOH ay para sa residency at fellowship programs ng mga doktor.

Marami rin aniyang bakanteng posisyon ngayon para sa mga physical therapists, medical technologist at respiratory therapists, dahil karamihan sa mga ito ay lumabas na ng bansa bunsod ng mas mataas na sahod.

Sa ngayon, nasa 1,831 naman ang bakanteng posisyon para sa mga nurses.