Nilinaw ng Department of Health (DOH) na kailangan pa rin dumaan sa approval ng ilang ahensya sa bansa ang Russian-developed COVID-19 vaccine bago lumakad ang ikinakasang clinical trials nito sa Pilipinas.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng pagiging agresibo ng administrasyon na mabakunahan ang mga Pilipino, sa gitna ng limitadong impormasyon sa Sputnik V.
“Just like any product, kung ano mang product yan, idadaan natin talaga yan sa regulatory procedures. Alam din naman ng ating presidente ang ating mga regulatory procedures when it comes to this different new technologies, tulad ng bakuna,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ayon sa opisyal, kahit aprubado sa pinanggaling bansa ang isang imported na bakuna ay mangangailangan pa rin ito ng approval mula sa research ethics board at Food and Drug Administration ng ating bansa.
“Its different when it arrives in the country, kailangan dumaan pa rin sa procedures natin.”
Nakasandal ang ahensya sa rekomendasyon ng itinalagang vaccine expert panel, na inaasahang magbibigay ng impormasyon sa kung alin sa mga iniimbentong bakuna ang ligtas at epektibo.
Tiniyak ni Usec. Vergeire na aalamin nila ang lahat ng kaukulang impormasyon tungkol sa Sputnik V bago dumaan sa proseso ng approval.
“Hihingin naman natin yung complete dossier na tinatawag, kapag ang isang technology katulad ng bakuna na dumating dito sa atin at i-introduce for a clinical trial, pag-aaralan yan ng mga eksperto natin.”
“Pag-aaralan natin yang dossier nila, makikita natin yung allegations kung talaga hindi dumaan sa phase 1, hindi ba dumaan sa phase 2, ano ba yung findings during this different phases of trial.”
Ayon sa World Health Organization, nasa phase 1 pa lang ng clinical trial ang Sputnik V at hindi kasali sa top 5 na nasa ikatlong phase.
Sa impormasyon namang hawak ng Department of Science and Technology, may approval na mula sa Ministry of Health ng Russia ang bakuna. Ibig sabihin, nalampasan na nito ang ikalawang phase ng trial at ngayon umakyat na sa huling bahagi ng malawakang pagte-test sa tao.








