Nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) matapos lumutang sa nagdaang budget hearing ang P127.29-billion pondo na nakalaan para sa Office of the Secretary sa susunod na taon.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hahatiin naman ang nasabing pondo sa gastusin ng iba pang sangay ng opisina.
“Kahapon may lumabas na article na sinasabi na bakit daw nasa Office of the Secretary lahat ng pera ng DOH. ‘Yun lang po ay ginagawa na nakapaloob sa Office of the Secretary pero pag tiningnan niyo po ang detalye ng aming budget, ‘yung Office of the Secretary funds, nandyan po lahat ng budget ng opisina ng DOH,” ani Vergeire.
Ilang opisyal ng DOH ang nagsabi sa nakaraang budget hearing ng Kamara na 62% ng nasabing panukalang pondo ang matatanggap ng tanggapan ni Sec. Francisco Duque III.
Pero paliwanag ni Usec. Vergeire, sakop na rin ng naturang budget ang preventive, promotive, rehabilitation at iba pang measures ng ahensya.
Hinimok ng tagapagsalita ng DOH ang publiko na basahin ang mga detalye nang inirekomendang budget para sa ahensya.
“Every office of the DOH, nakapaloob sa Office of the Secretary’s funds. ‘Yun lang po ‘yung budget line list na pangalan pero hindi po napupunta lahat ‘yan sa Office ng Secretary of Health. We just like to clarify that so that hindi po nakoconfuse ang mga tao regarding this matter.”