-- Advertisements --

Pinakikilos ni Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong ang Department of Health at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious diseases laban sa paggamit ng pekeng Persons With Disability (PWD) sa harap ng nagpapatuloy na COVID-19 vaccination sa ilang priority sectors ng lipunan.

Ayon kay Ong, dapat magpatupad ng striktong verification procedures sa application ng mga PWDs na nais mabakunahan na kontra COVID-19.


Ito ay para maiwasan na rin na makalusot ang mga gumagamit ng pekeng PWD identification cards para mapasama sa mga sektor na unang makakatanggap ng COVID-19 vaccines.

Sinabi ng kongresista na may mga sumbong siyang natatanggap hinggil sa isang vaccination center sa Manila, kung saan 90 percent ng mga recipients ay pawang mga Filipino-Chinese na nagsasabing sila ay PWDs pero kung titingnan karamihan sa kanila ay malusog, fully functional at wala ring bahid ng anumang kapansanan.

Iginiit ni Ong na bukod sa walang kapansanan, wala rin talagang paraan ngayon kung totoong PWDs ang mga vaccine recipient.

Dapat aniyang masilip ito ng pamahalaan lalo pa at limitado pa nga ang bakuna kontra COVID-19 na dumarating sa Pilipinas.

Hindi aniya dapat hahayaan na makatanggap ng unang batch COVID-19 vaccines sa pagkakataon na ito ang mga hindi naman pasok sa “A” bracket ng priority groups.

Base sa panuntunan ng pamahalaan, ang unang makakatanggap ng COVID-19 vaccines ay mga frontline health workers, senior citizens, persons with comorbidities, frontline personnel sa essential sectors kabilang na ang mga uniformed personnel, at panghuli ang mga indigent population.

Samantala, nanawagan din si Ong sa DOH, NCDA at sa Department of Interior and Local Government (DILG) na habulin ang mga indibidwal na gumagamit ng pekeng PWD IDs.