Hindi pa ikinokonsidera ng Department of Health (DOH) ang pagpayag na ibalik ang face-to-face classes ng mga mag-aaral dahil sa banta pa rin ng coronavirus (COVID-19) pandemic.
Tugon ito ng ahensya matapos irekomenda ng World Health Organization (WHO) na payagan na ang literal na pagpasok sa eskwela ng mga estudyante sa mga lugar na wala nang kaso ng COVID-19.
“Of course eventually we would like that we will be shifting more into this normal or routine na ginagawa natin na nagkakaroon ng face-to-face classes,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“(Pero) sa ngayon ang napagkasunduan sa IATF would be this blended learning muna. This would include mostly these platforms na pwedeng gamitin ng mga mag-aaral sa distance learning na ito.”
Batid daw ng Health department ang mga pagsisikap ng Department of Education para mas maging accessible sa mga estudyante ang kanilang klase. Tulad ng online classes, learning modules at mga lectures na ine-ere sa radyo at telebisyon.
“Ito naman ay magkakaroon din ng analysis just like any program na inilulunsad ng gobyerno, nagkakaroon ‘yan ng monitoring and analysis after a few months para makita natin how effective it is.”
Tiniyak ni Usec. Vergeire na papayagan ang face-to-face classes kapag nakita ng mga eksperto na ligtas na para sa mga guro at kabataan ang pagpunta sa paaralan.
Ayon sa WHO, isa sa maaaring konsiderasyon sa pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral ang sitwasyon ng COVID-19 sa isang lugar.
“Deciding to close, partially close or reopen schools should be guided by a risk-based approach, to maximize the educational, well-being and health benefit for students, teachers, staff, and the wider community, and help prevent a new outbreak of COVID-19 in the community.”
Nitong Lunes nang buksan ng DepEd ang school year 2020-2021 ng public schools. Ilang private schools ang nagsimula na ng kanilang klase noon pang Agosto.










