-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Health (DOH) na bumuti na ang sitwasyon ng bansa sa COVID-19 kahit maraming opisyal ang kumi-kwestyon sa mga datos na inilalabas ng ahensya.

Sa isang panayam sinabi ni Health Usec. Leopoldo Vega na kabilang ang recovery at death rate sa dapat tingnan bilang indikasyon nang pagbuti ng COVID-19 situation.

Sa ngayon daw kasi 73% na ang recovery rate sa mga confirmed cases, habang 2.2% ang death rate.

Nilinaw din ni Vega na dumaan sa masusing validation at reconciliation ang kanilang mga hawak na datos.

Sagot ito ng opisyal sa pahayag nina Sen. Joel Villanueva at Sorsogon Gov. Chiz Escudero na nagsabing tila pinapa-ikot ng DOH ang publiko dahil sa kwestyonable raw ng mga impormasyon.

Nitong Huwebes nakapagtala ang DOH ng 3,954 na mga bagong kaso ng COVID-19. Ito na ang bagong pinaka-mataas na single-day reported cases.

Binubuo raw ito ng 1,320 na “fresh cases,” at “2,634 “late cases.”

Sumipa naman sa 38,075 ang new recoveries habang 23 ang bagong bilang ng mga namatay.