Nagsanib pwersa raw ang Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM) sa pag-iimbestiga sa sinasabing overpriced na pagbili sa ilang gamit para sa COVID-19 response ng gobyerno.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III may mga inisyal na dokumentong nakalap na ang kanilang legal services office na ihaharap sa Procurement Service ng DBM.
“‘Yung mga dokumentong ito ay isinasaaayos na po at hindi po magtatagal ay magkakaroon na tayo ng resulta ng atin pong joint investigation with the PS-DBM,” paliwanag ng kalihim sa Senate Committee on Health virtual hearing.
Kung maaalala, nasabon kamakailan ng mga senador si Duque matapos lumutang ang ulat na overpriced ang binibiling testing at protective gears ng gobyerno.
Ipinunto rin ng ilang mambabatas ang mahal daw na package ng PhilHealth para sa testing.
Una nang dinepensahan ni Pangulong Duterte si Duque sa gitna ng mga alegasyong ito.