MANILA – Inamin ng Department of Health (DOH) na nakaapekto ang holiday season sa paghahatid ng test results ng mga laboratoryong humahawak ng COVID-19 test.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng binabantayang “surge” o pagsirit ng mga bagong kaso ngayong Enero dahil sa mga naganap na pagtitipon noong Pasko at Bagong Taon.
“From the recent numbers, we were averaging 36,000 laboratory submissions per day, it went down to 22,000 per day,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.
Noong huling linggo ng Disyembre 2020, kapansin-pansin na maraming laboratoryo ang napa-ulat na hindi nakakapagpasa ng kanilang data sa COVID-19 test.
Paliwanag ng opisyal, ilan sa mga pasilidad ang pansamantalang nag-sara at nagtigil ng operasyon. May mga indibidwal din daw na hindi nagpa-test, kaya walang naipasang specimen ang mga laboratoryo.
“Malaking bagay yung 12,000 na nawala doon sa outputs na sina-submit sa atin.”
Ayon kay Usec. Vergeire, katumbas ng 5% ang nabawas sa average daily number ng positive cases sa buong bansa. Sa National Capital Region naman, tinatayang 4%.
Kaya naman asahan daw na sa kalagitnaan pa ng Enero mararamdaman ang sinasabing pagtaas sa bilang ng mga bagong kaso ng sakit, dahil ngayong araw pa lang magsisimulang magbalik operasyon ang lahat ng laboratoryo.
“Expecting if and when this surge will really happen, baka mid-January lumabas yung pagdami basically itong labs would be fully functional na starting today.”
Nitong Linggo sinabi ng mga eksperto ng OCTA Research Gruoup na nagsimula ng tumaas ang bilang ng COVID-19 cases sa NCR sa pagtatapos ng holiday season.
Ayon sa report ng OCTA, mas mataas ang mga naitalang new cases ng rehiyon sa huling araw ng 2020 at unang araw ng bagong taon, kumpara sa mga nai-report noong December 26.
“This leads us to expect an increase in the number of new COVID-19 cases in the first week of January 2021 as testing centers resume normal operations,” nakasaad sa ulat ng mga eksperto mula UP at UST.