-- Advertisements --

Bukod sa testing at treatment, isa rin sa pinagkakaabalahan ngayon ng Department of Health at mga local government units ang contact tracing.

Ito ang naging sentro ng usapin sa virtual presser ng DOH ngayong hapon kung saan ipinaliwanag ng Epidemiology Bureau ang kung gaano kabusisi ang ginagawang tracing ng kanilang hanay sa mga nakasalamuha ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Ayon kay Dr. Rio Magpantay, ang OIC-Director ng DOH Epidemiology Bureau, isa ang contact tracing sa mga pinaka-epektibong hakbang para mapigilan ang malawak at mabilis na pagkalat ng pandemic na sakit.

“(Sa) contact tracing, makikita agad natin yung mga close contacts ng positibong kaso. At dito maa-asses natin kung sila ba ay magkakaroon ng symptoms for the next 14 days. Ang challenge naman is paano natin matatagpuan yung mga positibong kaso kung saan nagsisimula ang mga close contacts na dapat matunton.”

Tatlong hakbang daw ang sinusunod sa contact tracing. Una ay ang pag-identify sa mga confirmed cases, sumunod ang pag-alam sa close contacts nito at mga lugar na pinuntahan dalawang araw mula nang makaramdam ng sintomas ng COVID-19.

Panghuli ang agarang aksyon, kung saan dapat ma-isolate sa isolation facilities ang mga suspect at probable cases habang hinihintay ang kanilang resulta. Ang mga confirmed cases naman ay dapat na maghintay na sila ay gumaling. Ang close contacts naman ay dapat ding ilagay sa quarantine facilities.

Sa bagong datos ng DOH nasa 12,942 na ang kabuuang bilang ng COVID-19 confirmed cases sa bansa.