-- Advertisements --

Kaisa ang Department of Health (DOH) sa pandaigdigang panawagan para maging mandatoryo ang pagsusuot ng face mask nang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Pahayag ito ng ahensya kasabay ng paggunita sa World Mask Week, na isang international mask-wearing movement na nilunsad ng Pandemic Action Network at CDC Foundation.

“According to studies, kung magsu-suot ka ng mask – mababawasan ang tsansang mahawa ng 85%. Kung io-observe mo ang physical distancing ng isang metro – mababawasan ang tsansang mahawa ng ​ 80%. Kung mag-face shield ka naman – mababawasan ang tsansang mahawa by 78%,” ani Dr. Beverly Ho, director ng DOH Health Promotion Bureau.

Ipinaalala rin ng Health department ang sinabi ni Eloise Todd, ang co-founder ng Pandemic Action Network ukol sa kahalagahan ng World Mask Week.

“To build momentum to enlist more policymakers, leaders, and influencers to adopt and reinforce pro-mask policies by bringing together multiple mask campaigns currently underway.”

Bukod sa panawagan sa mga lider ng estado, nananawagan din ang DOH sa publiko na maging aktibo sa pagsusuot ng face mask bilang hakbang laban sa COVID-19.

Bilang pakikiisa sa World Mask Week, hinimok ng ahensya ang publiko na makisali sa paggunita sa pamamagitan ng pagpo-post sa social ng larawan at video habang nakasuot ng face mask.

Binigyang diin ng DOH na hangga’t walang bakuna o gamot sa COVID-19 ay makakatulong ang pagsusuot ng face mask bilang proteksyon sa pagkahawa at makahawa.

“Maliwanag na ang paggapi sa pandemyang ito ay mangyayari lamang kung magtutulungan ang bawat tao, pribadong sektor, at lokal na pamahalaan. Ang laban sa COVID ay laban nating lahat,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Mula noong Lunes, August 10, hanggang ngayong araw ng Biyernes, August 14 ang paggunita sa World Mask Week.