NAGA CITY – Kinumpirma ngayon ng Department of Health (DOH)-Bicol na walang problema sa mga COVID-19 vaccine na una ng dumating sa Bicol Region.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dra. Rita Mae Ang-Bon, COVID-19 vaccine program coordinator ng DOH- Bicol, sinabi nito na binalik lamang umano ang nasa 7500 na mga bakuna sa Department of Health dahil nagkaproblema ito sa temperature data logger.
Ayon kay Dra. Ang-Bon, hanggang sa ngayon ay wala parin umanong abeso ang DOH kung muling ibabalik ang nasabing mga bakuna sa rehiyon.
Nabatid na una ng nagsagawa ng imbestigasyon ang World Health Organization (WHO) at UNICEF sa mga ibinalik na bakuna sa national office.
Kung saan, sa inisyal na imbestigasyon, ligtas parin umanong gamitin ang nasabing mga bakuna dahil bukod sa nakitang problema sa temperature data logger ay maayos naman aniya ang ginamit na vaccine transport box at cold box ng bakuna.
Sa ngayon, inaasahang darating sa kataposan ng Marso ang sunod na delivery ng nasabing mga bakuna upang masimulan na rin muli ng vaccination roll-out sa iba’t-ibang munisipyo sa rehiyon.