Pumirma na sa isang Memorandum of Agreement ang Department of Health at Office of the Presidential Adviser for Peace, Reconciliation na layong magbigay ng tulong medikal sa mga dating rebelde.
Ang tulong na ito ay sa ilalim ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program. ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr. , ang naturang Memorandum of Agreement ay magbibigay ng mas malawak na “healthcare and medical services” sa mga nagbalik loob na rebelde sa gobyerno na siya namang sasagutin ng pambansang pamahalaan.
Sinabi pa ng opisyal na bukod pa ito sa ₱58.8-million taunang alokasyon sa budget ng OPAPRU para sa PhilHealth premiums ng mga dating rebelde maging sa na-dekomisyon na mandirigma sa Pilipinas
Punto pa ni Galvez na ito ay patunay lamang na ang pamahalaan ay committed na pagandahin pa ang buhay ng mga benepisyaryo upang magkaroon sila ng maayos na pamumuhay bilang sibilyan.
Aabot naman sa mahigit 40,000 na dating rebelde ang magiging benepisyaryo ng naturang kasunduan ayon kay Galvez.