DAGUPAN CITY – Pinaigiting pa ng Department of Health Region 1 ang kanilang pakikipagugnayan sa Department of Education para matiyak na magiging ligtas ang lahat ng mga estudyanteng kalahok sa face to face classes.
Ayon kay Dr. Rheuel C. Bobis ang siyang Head of Infectious Disease Unit ng DOH-Ilocos Center for Health Development na nagkaroon ng joint venture ang kanilang kagawaran at ng DEPED patungkol sa pagsisiguro na hindi magiging mitsa ng pagbulusok ng mga kaso ng Covid-19 ang tuluyang pagsisimula ng klase.
Una rin rito ay nagbigay aniya ang kanilang ahensya ng ilang mga protective equipments sa mga paaralan sa Rehiyon tulad na lamang ng mga face masks, alcohol at iba pa.
Paglilinaw pa nito na masyadong maaga para sabihin na nagkaroon ng epekto ang face to face classes sa mga kaso ng Covid-19.
Kinakailangan aniya munang lumipas ang isa hanggang dalawang linggo upang maipabatid ang epekto nito sa kanilang covid-19 projection.
Kasabay rin nito ay mas pinalakas rin nila ang usapin ng bakunahan lalo na’t maaari nang tumanggap ng mga booster shots ang mga batang edad 12 pataas.
Magkakaroon rin aniya sila ng mga seminars at information dissemination activities patungkol sa mga precautionary measures na dapat gawin upang hindi mahawaan ng Covid-19.