-- Advertisements --

Patuloy ang panawagan ng Department of Health (DOH) sa mga ospital, mapa-pribado at pampubliko, na dagdagan pa ang kanilang alokasyon ng mga kama para sa COVID-19 cases.

Aminado kasi ang kagawaran na kahit may bahagyang increase sa COVID-19 allocated beds ay hindi pa rin naaabot ng lahat ng ospital ang itinakdang porsyento ng ahensya para sa alokasyon.

Sa isang panayam sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na nasa 21% pa lang ang total bed capacity para sa COVID-19 patients ng public hospitals. Kulang pa ito ng 9% para sa mandatong 30% allocation sa ilalim ng in-amiyendahang DOH administrative order.

Sa mga private hospitals naman, nasa kalahati pa lang na 10% ang allocated beds mula sa utos ng ahensya na 20%.

Ayon naman kay Usec. Leopoldo Vega, isa ito sa mga dahilan kaya maraming mga pagamutan ang nagdedeklara ng full capacity sa kanilang COVID-19 facilities.

“So dapat buksan nila (public hospitals) yung beds nila to allocate more beds to COVID-19 para aabot sila 30% . Tapos pag hindi mo in-increase yung allocation for COVID-19, parang ang tingin puno na, pero actually kayang-kaya pa ng hospital na mag-convert ng kanilang wards into COVID area, kasi 30% lang naman ang hinihingi natin in terms sa allocated pag government. ‘Pag may surge 50%,” ani Vega sa Laging Handa public briefing.

Batay sa datos ng Health department, as of July 28, 54% pa lang 1,400 ICU beds ang okupado. Sa mga isolation beds, 53% ng 11,000 na kama ang may pasyente. Habang 56% ng 4,000 ward beds ang mayroon na ring COVID-19 patient.

Una na ngang sinabi ng DOH na mula sa higit 15,000 COVID-19 allocated beds ng mga pagamutan, ay umakyat pa ito sa higit 16,000 matapos ang paglulunsad ng One Hospital Command.

Pero aminado ang Health department na kailangan pa rin nila ng maraming health human resource para ma-maximize ang idadagdag na mga pasilidad.