-- Advertisements --
diokno

Nagbabala si Finance Secretary Benjamin Diokno laban sa pagsususpinde sa koleksyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo dahil maaari itong magresulta sa bilyon-bilyong pisong halaga ng pagkawala ng kita at sa pagpapalawak ng fiscal cap.

Matatndaan sa isang consultative meeting kasama sina Speaker Martin Romualdez at ACT-CIS party-list Representative Erwin Tulfo, hinangad ng mga stakeholder ng industriya ng langis na suspindihin ang koleksyon ng excise tax sa langis.

Sinabi ni Diokno na ang panukala ay makakaapekto sa economic at fiscal recovery, international credit ratings, at ang pangkalahatang diskarte sa pamamahala ng utang, habang nakikinabang lalo na sa mga mayayaman at hindi nagbibigay ng pangmatagalang inflation relief.

Ayon sa economic manager ng administrasyong Marcos na ang tinatayang pagkawala ng kita ng gobyerno ay nasa P72.6 bilyon na kung saan P41.4 bilyong excise tax at P31.2 bilyon sa value-added tax (VAT) — o 0.3% ng gross domestic product (GDP) para sa huling quarter ng 2023 lamang.

Sinabi ni Diokno dahil ang mga inaasahang kita ay nakaprograma na sa ilalim ng 2023 budget, ang pagsususpinde sa excise tax collection sa gasolina ay magdudulot din ng pagtaas sa antas ng deficit sa fiscal ng bansa mula 6.1% hanggang 6.4% ng GDP noong 2023.

Para sa buong 2024, aabot sa P280.5 bilyon o 1.1% ng GDP sa kabuuang excise tax na P168.2 bilyon ang mga forgone revenues at VAT na P112.3 bilyon sa mga produktong petrolyo.