TAGUIG CITY – Inatasan na ng Department of Energy (DOE) ang lahat ng pribadong distribution utilities at electric cooperatives na siguruhing may sapat na supply ng enerhiya ang bawat tahanan, kasabay ng pagbabalik eskwela sa Agosto.

Sa isang statement sinabi ni Energy Sec. Alfonso Cusi na batid niyang maraming mag-aaral ang mangangailangan ng stable na electric supply dahil sa “blended learning approach” na ipapatupad ng Department of Education para sa papasok na academic year.

Nais din daw masiguro ng kagawaran na angkop sa pangangailangan ng mga negosyo ang supply ng kuryente para mabawi ang nalugi sa kanila dahil sa pandemic na COVID-19.

“I have given my order to all cooperatives through National Electrification Administration Administrator Edgardo R. Masongsong to ensure stable supply of power in their respective franchise areas,” ani Sec. Cusi.

Ayon sa kalihim, nakatanggap siya ng mga ulat tungkol sa naantalang summer classes sa General Santos at North Cotabato dahil sa power interruptions.

“Enrollment turn out for the incoming school year is very good so we must anticipate that power demands of households are met to ensure the smooth implementation of DepEd’s distance learning program.”

Sa ilalim ng DepEd memorandum, tatagal ng anim na linggo ang mga remedial, enrichment at advancement class para sa summer 2020 na nagsimula noong May 11.

Nakasaad din sa memo ang paalala sa mga eskwelahang nagpapatupad nito na gumamit ng distance learning measure alinsunod sa community quarantine guidelines.

Tinatayang nasa 121 ang bilang ng electric cooperatives sa bansa na nakausap at inatasan na ng DOE para sa sapat na energy supply.