-- Advertisements --

Pinapabilis ng Department of Energy (DOE) ang pagpasok sa operasyon ng 22 energy projects na inaasahang magdadagdag ng humigit-kumulang na 1,471 megawatts (MW) ng kuryente pagpasok ng buwan ng Abril, 2026.

Ayon sa DOE, ang mga proyektong ito ay bahagi ng mas malawak na plano na pabilisin ang 200 power projects sa loob ng susunod na tatlong taon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matiyak ang sapat na suplay ng kuryente sa bansa.

Sa kabuuang bilang, 12 sa mga proyekto ay solar power na nakakapag-ambag ng 1,284 MW. Mayroon ding anim na hydroelectric plants, dalawang biomass facilities, isang wind project, at isang Integrated Renewable Energy Storage System na makakatulong sa mas maayos na pamamahala ng suplay ng kuryente.

Iniulat din ng DOE na 24 power plants na ang kasalukuyang nasa operasyon, na may kabuuang kapasidad na higit sa 1,178 MW. Mayroon ding pitong Battery Energy Storage System facilities na tumutulong para mapatatag ang power supply ng bansa.

Kaugnay nito mahigpit na nakikipag-ugnayan ang DOE sa iba pang ahensya upang matiyak ang agarang pagkumpleto ng mga proyekto, kabilang ang pag-aayos ng mga kinakailangan sa transmission, interconnection, at iba pang technical issues upang maiwasan ang pagkaantala.

Binigyang-diin ng DOE ang kahalagahan ng agarang pagpapatupad ng mga proyektong ito upang matugunan ang tumataas na demand sa kuryente at maprotektahan ang mga konsyumer laban sa posibleng pagtaas ng presyo at kakulangan sa suplay, kasunod ng krisis sa Middle East na maaaring makaapekto sa enerhiya ng bansa.

Samantala, mahigit 10,000 MW ng renewable energy capacity ang naaprubahan narin sa ilalim ng pinakahuling Green Energy Auction Program, na inaasahang maipapatupad mula 2026 hanggang 2029.