
Nag-abiso ang Department of Energy (DOE) sa mararanasang rotational brownouts ng nasa 1.3 million sambahayan ngayong taon dahil sa epekto ng mataas na presyo ng petrolyo.
Ayon kay Department of Energy Secretary Raphael Lotilla, karamihan sa mga maapektuhan ay sa remote areas o sa mga “off-grid” areas.
Aniya, ang presyo ng diesel sa international market ay patuloy ang pagsipa simula noong nakalipas na linggo at posibleng sa natitira pang buwan ng taon, mayroon ding mga indikasyon na sakaling magkaroon ng economic developments sa global areas ang presyo ng diesel ay mananatiling mataas.
Ayon naman sa National Power Corporation (Napocor), kakailanganin ng P11.4 billion para sa kinakailangang 150,555 kiloliters ng petrolyo para sa suplay ng kuryente subalit mayroon lamang itong pondo na P7.5 billion na makakabili lamang ng nasa 100,608 kiloliters.
Kung kayat mapipilitan aniya ang Napocor na magbawas ng operating hours ng kanilang mga planta para maging available pa ang fuel hanggang sa katapusan ng taon na magreresulta sa pagbabawas ng suplay ng kuryente sa ilang lugar.










