Aminado si Department of Energy Usec Felix William Fuentebella na matagal at mahaba pa ang panahong gugugulin para maipatupad ang isinusulong na paggamit ng electric vehicles sa buong bansa.
Sinabi ni Fuentebella na sa kanilang pulong kay Pangulong Ferdinand Marcos jr ngayong araw, kanilang inireport na mayroon pa lamang 7,000 electric vehicles ang meron sa bansa o point 001 percent.
Mula ito sa kabuuang 14 milyon, nasa 300,000 lamang ang nakarehistro.
Sa ilalim aniya ng electric vehicle industry development act, inaatasan ang DOE na isulong at itaguyod ang e-vehicles.
Ayon kay Fuentebella, gusto ng pangulo na hindi lamang ang teknolohiya at ang bilang ng evehicles ang tutukan dito kundi tingnan din kung papano makukuha ang magandang consumer experience tulad ng mas madaling financing scheme at ang usapin ng mas maraming charging stations sa buong bansa.
Sinabi ng opisyal na sa ngayon mayroon pa lamang higit 70 na charging stations sa buong bansa.
Hindi naman itinanggi ni Fuentebella na malaki ang upfront cost ng e-vehicle o nasa dalawa hanggang tatlong milyong piso kada unit, subalit sa pangkalahatan aniya ay maganda ang pakinabang dito ng publiko at consumers.
Bukod kasi aniya sa makatitipid sa operational cost sa matagal tagal na takbuhin, exempted ito sa number coding, una sa pila sa pagpaparehistro at pagkuha ng prangkisa, at mapabubuti rin ang kalidad ng hangin sa bansa.