Muling pinagtibay ng Department of National Defense ang interes nito sa higit pang pagpapalakas ng ugnayang depensa at militar sa Israel.
Ito ay matapos mag-courtesy call ang Ambassador to the Philippines ng Israel na si Ilan Fluss kay Secretary of National Defense Gilberto Teodoro Jr.
Hinahangad ni Teodoro na palakasin ang ugnayang depensa at militar sa Israel, partikular sa pagbabahagi ng impormasyon at pagpapalitan ng edukasyon at pagsasanay.
Nagpahayag ng tiwala si Ambassador Fluss sa pakikipagtulungan habang ipinahiwatig niya ang interes ng Israel sa paggalugad ng mga potensyal na lugar ng pakikipagtulungan, partikular sa space and technology, search and rescue, humanitarian assistance at disaster relief (HADR), at cyber security, bukod sa iba pa.
Ayon sa DND, tinanggap ni Sec. Teodoro ang panukala, na sumusuporta sa mga pagsisikap at kakayahan ng Pilipinas sa pagbuo ng kapasidad na tugunan ang issue sa defense and military.
Sa pagpapalawak ng Philippines-Israel logistics at defense procurement cooperation, itinaas din ni Secretary Teodoro ang posibilidad ng joint venture sa pagitan ng mga industriya ng depensa ng dalawang bansa bilang suporta sa Self-Reliant Defense Posture ng Pilipinas.