-- Advertisements --
ROTC

Muling nagpahayag ng buong suporta ang Department of National Defense (DND) para sa hakbang ng Kongreso kaugnay ng isinusulong na panukalang ibalik ang mandatory Reserve Officers Training Corps(ROTC) sa higher education institutions.

Sa isang statement, sinabi ni Defense Secretary Carlito Galvez, Jr, kinikilala raw nito ang pagiging masigasig ng mga mambabatas para sa naturang panukalang batas.

Tiniyak naman ni Galvez na makikibahagi ang mga ito sa legislative process sa pamamagitan ng full cooperation at inputs.

Sinabi ni Galvez na ang Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines sa pakikipag-ugnayan ng mga ito sa Commission on Higher Education at supporting agencies ay mayroon na raw silang panukalang konsepto kung paano tatakbo ang Reserve Officers Training Corps program.

Pwede raw ipatupad ang Reserve Officers Training Corps sa pamamagitan ng “phased approach”.

Mayroon din umano silang isasagawang pilot at simulation runs sa mga piling unibersidad habang inihahanda ang kanilang mga personnel, logistical at budgetary requirements para sa full implementation.

Sinabi ng Department of National Defense na ang pagpapatupad sa programa ay mayroong anim na phases:

Kabilang dito ang paghahanda, curriculum development, selection at training ng mga implementers, personnel, logistics at budget planning, selection ng pilot volunteer schools base sa resulta ng evaluation ng kanilang mga pasilidad at kapasidad.

Kasama pa rito ang pilot programs, simulation sa mga volunteered schools, expansion sa iba’t ibang rehiyon, progressive implementation, evaluation at fine-tuning maging ang full implementation sa lahat ng mga paaralan.

Dagdag ng Department of National Defense na ang projected timeline para sa pagpapatupad ng batas para sa mandatory Reserve Officers Training Course program ay magsisimula sa loob ng dalawa hanggang sa tatlong taon.

Ang target naman para sa full implementation ay pwedeng isagawa sa loob ng limang taon.

Kaugnay nito, nais din umano ng DND at AFP na gamitin ang expertise ng Regional Community Defense Groups (RCDGs) ng Philippine Army, Air Reserve Centers (ARCENs) ng Philippine Air Force at Naval Reserve Centers (NRCENs) ng Philippine Navy sa buong bansa para sa ROTC program.

Sa Senate hearing sinabi ni Defense Undersecretary Franco Gacal na mayroong isyu daw sa logistics, manpower at resources kapag gawing compulsory ang Reserve Officers Training Corps.

Sinabi ni Gacal na nasa 9,000 hanggang sa 10,000 military personnel ang kinakailangan para mabigyan ng apat na opisyal kada paaralan kung pagbabasehan ang 2,400 higher education institutions na magpapatupad ng Reserve Officers Training Corps.

Kahapon nang ihayag ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na kinokonsidera nito ang pagkuha sa mga reservists at ang pagtataas ng quota sa military recruitment para magkaroon ng manpower na kinakailangang ipatupad para sa mandatory Reserve Officers Training Corps sa higher education institutions.

Kampante naman ang senador na kayang mapondohan ang programa dahil ang mandatory Reserve Officers Training Corps ay isa sa mga priority measures sa ilalim ng Marcos administration.

Kung maaalala, sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na urgent ang House Bill No. 6687 o ang National Citizens Service Training Program Act.