-- Advertisements --

Mahigit P100 million pa ang natitirang pera na hindi nagagamit ng Department of National Defense (DND) sa pondong ibinigay sa kanila para sa COVID-19 response alinsunod sa Bayanihan to Heal as One Act.

Sa budget hearing sa Kamara, sinabini Defense Sec. Delfin Lorenzana na P176.9 million pa ang hawak nilang pera sa ngayon para sa COVID-19 response na kanilang gagamitin sa mga susunod na buwan.

Sinabi ni Lorenzana na ang DND ay nabigyan ng P979.3 billion sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noon pang Marso.

Sa naturang halaga, P150 million ang napunta para sa health command center ng Armed Forces of the Philippines, P24.2 million ang napunta sa General Head Quarters; P14.6 para sa Philippine Army; P45.5 million para sa Philippine Airforce; P15.5 million para sa Philippine Navy; at P728.6 million para sa Office of the Civil Defense (OCD).

Ginamit ang pondong ito para sa mga sundalong na-deploy sa mga checkpoints sa gitna ng lockdown, paghango ng Philippine Airforce at Navy ng mga personal protective equipment (PPEs) mula China at paghatid ng mga ito sa iba’t ibang probinsya sa bansa, at para sa treatment facilities at isolation centers ng OCD.

Bagama’t nabigyan ng nasa P1 billion na alokasyon, sinabi ni Lorenzana na P19 billion naman ang binawas ng Department of Budget and Management sa kanilang 2020 budget bilang augmentation sa pondong ginamit para sa isasakatuparan ng Bayanihan to Heal as One Act.