Binuweltahan ng Department of National Defense si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian pahinggil sa mga naging alegasyon nito laban sa panibagong Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites na planong itatag sa Pilipinas.
Ito ay kasunod ng naging pahayag ng Huang na planong gamitin umano ng Estados Unidos ang mga bagong EDCA sites sa bansa bilang instrumento upang panghimasukan ang namumuong tensyon ngayon sa pagitan ng China at Taiwan kasabay ng paghahalintulad ng sitwasyon ngayon ng Taiwan sa peace process sa lalawigan ng Mindanao.
Ayon kay DND Spokesperson Director Arsenio Andolong, hindi magkapareho ang kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas at Taiwan.
Aniya, magkaiba ang buong konteksto at karanasan ng ating bansa kasabay ng pagpapaliwanag na ang peace process sa Mindanao na nagpahintulot sa Pilipinas na lumahok sa international community ay bahagi ng layunin ng bansa sa paglutas sa mga hindi pagkakaunawaan nang mapayapa.
Binigyang-diin din ni Andolong na ang implementasyon ng EDCA ay hindi layuning makipaglaban sa anumang bansa dahil ito ay naaayon lamang sa pagsisikap ng pamahalaan na itaguyod ang pambansang interes ng Pilipinas, protektahan ang soberanya ng bansa, tiyakin ang kabuhayan at kapakanan ng mga mangingisda at komunidad, pahusayin ang ating kakayahan pagdating sa emergency at disaster response, at maging sa humanitarian assistance.
Maingat din aniya na naghahanda ngayon ang DND para sa anumang contingencies upang tiyakin ang kapakanan ng ating mga kababayang nasa Taiwan na naninirahan at nagtatrabaho doon sa gitna ng tensyong namumuo sa nasabing bansa.
“The Philippines observes the One China Policy and maintains the ASEAN principle of non-interference in approaching regional issues. We reiterate that our primordial concern in Taiwan is the safety and wellbeing of the Filipinos living and working on the island.”
Samantala, patuloy naman ang panawagan ng Pilipinas sa lahat ng mga kinauukulang partido at estado na sumunod sa rule of law at diplomasya kasabay ng pangakong magpapatuloy ang pamahalaan sa pagtataguyod ng kapayapaan, paggalang sa isa’t isa at pagsisikap na protektahan at itaguyod ang ating pambansa at pandaigdigang interes.