Ipinag-utos ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto C. Teodoro, Jr. ang pagpapalawak pa sa saklaw ng Direct Commission Program para makahikayat ng mas maraming kwalipikadong Filipino professionals.
Ito ay kasabay ng pagnanais ng hukbo na makabuo o makalinang ng mas flexible, technologically capable, at isang multi-disciplinary military force.
Batay sa direktiba ng kalihim sa Armed Forces of the Philippines (AFP), pinapalakas nito ang ‘recruitment and commissioning’ ng mga kwalipikadong Advance Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) graduates.
Dapat aniyang maging bukas ang hukbo sa mga deserving na enlisted personnel, at mga skilled professional na may specialty sa iba’t-ibang fields tulad ng cyber operations, artificial intelligence, engineering, aviation, at communications.
Kasama rin dito ang mga Filipino professional na may malawak na kaalaman at training sa research and development at iba pang teknolohiyang mahalaga para sa pagsasa-moderno at pagpapalawak sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Inatasan din ng kalihim ang AFP na maglatag ng merit-based system para sa commissioning ng mga enlisted personnel, at ikonsidera o gumawa ng ‘reasonable accommodations’ para sa mga persons with disabilities na may expertise sa mga larangang makakapagpaunlad sa defense sector.
Nanindigan si Sec. Teodoro na ang pagbuo ng akmang ‘training and career development programs’ para sa mga personnel na na-recruit sa naturang paraan ay mahalaga para sa pagpapalakas ng hukbo sa tamang direksyon.
Sa huli, pinapatiyak ng kalihim na ang implementing guidelines para sa naturang special program ay dapat naka-angkla pa rin sa mga batas na nagsisilbing gabay sa modernisasyon ng AFP.
Ang expanded Direct Commission Program ay isang paraan ng pagsuporta sa modernization efforts ng AFP sa ilalim ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept.
Sa pamamagitan ng pagpapalakas sa ‘human capital’ o manpower, umaasa ang DND chief na lalo pang mapapalakas ang kapabilidad ng hukbo na depensahan ang buong bansa mula sa iba’t-ibang banta.










