Mapakabagbag-damdamin ang naging talumpati ni former United States first lady Michelle Obama sa unang gabi ng ginanap na Democratic National Convention 2020.
Ibinuhos ni Obama ang kaniyang panawagan para sa mamamayan ng Amerika na maging matalino sa pagboto para sa susunod na mamumuno sa bansa.
Dapat na umanong tapusin ang paghihirap ng mga Amerikano sa kapalpakan na dulot ni President Donald Trump dahil hindi pa raw talaga ito handa sa responsibilidad bilang pangulo.
Pinuri naman nito ang katunggali sa pagka-presidente ni Trump at Democratic party nominee na si Joe Biden. Hinikayat na rin nito ang mga Amerikano na buksan ang kanilang mga mata sa tunay na kalagayan ng US dahil sa kagagawan umano ng Republican president.
Imbes daw kasi na pamumuno at katatagan ng bansa ang ipamalas ng White House ay kaguluhan at pagkakawatak-watak naman ang nakukuha ng mga mamamayan ng nasabing bansa.
Hirit pa ng dating first lady na patunay lamang daw ito na mas marami pang inilalaan na oras si Trump para sabihin na kaya nitong gawin ang isang bagay ngunit hindi naman naisasakatuparan.
“We have to vote for Joe Biden in numbers that cannot be ignored. Because right now, folks who know they can’t win fair and square at the ballot box are doing everything they can to stop people from voting,” ani Mrs. Obama.
“These tactics are not new. But this is not the time to withhold our votes in protest or play games with candidates who have no chance of winning. We have go to vote like we did in 2008 or 2012. We have to go show up with the same level of passion and hope.”