Magpapadala ang Department of Migrant Workers (DMW) ng team sa Milan, Italy sa susunod na linggo para magsagawa ng fact-finding mission sa napaulat na illegal recruitment ng mga manggagawang Pilipino.
Sinabi ni Undersecretary Bernard Olalia na nagsagawa sila ng pagpupulong sa Department of Foreign Affairs upang plantsahin ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa Milan.
Aniya, isang Assistant Secretary kasama ang Migrant Workers Protection Bureau ang nakatakdang magtungo sa Italy.
Ayon kay Olalia, bukod sa fact-finding mission, magsasagawa rin ang kanilang team ng case build-up para matugunan ang illegal recruitment ng mga OFW at magsampa ng mga kinakailangang kaso laban sa mga responsable.
Sinabi ng opisyal na base sa inisyal na impormasyon, karamihan sa mga napaulat na Pilipinong biktima ay may mga kamag-anak sa Italy at binigyan ng pangako ng mga illegal recruiter o ahensya na nakabase sa Milan na bibigyan sila ng mga work permit na kalaunan ay natuklasang hindi totoo.
Dagdag nito na kumakalap na ng karagdagang impormasyon at mga ebidensiya ang DMW at nakapag-interview na rin ng mga OFW.
Nakipagpulong din si DMW OIC Hans Leo Cacdac sa Justice Department hinggil sa naturang isyu.
Ang DOJ ay may malaking papel na gagampanan kasama ang NBI para makakuha ng case build-up.
Una na rito, muling pinaalalahanan ni Olalia ang mga Pilipinong nagpaplanong magtrabaho sa ibang bansa na dumaan sa legal na proseso ng pag-a-apply ng trabaho.