-- Advertisements --
image 397

Nagpaliwanag si Department of Migrant Workers(DMW) OIC Sec. Hans Leo Cacdac ukol sa paggagamitan ng confidential fund sa ilalim ng naturang ahensiya.

Paliwanag ni Sec. Cacdac, maraming paggagamitan sa naturang pondo, kasama na ang surveillance operations na ginagawa ng ahensiya.

Ayon kay Cacdac, mayroong anti-illegal recruitment drive ang DMW at sa ilalim nito ay kailangan nilang magsagawa ng intelligence gathering, operation, at iba pang mga hakbang upang matugunan ang naturang programa.

Kailangan din aniya ito para sa mas maayos na paghahanap ng mga ebidensya, at tuluyang paghahain ng kaso laban sa mga indibidwal na nauugnay sa illegal recruitment.

Maaari din aniyang sa ilalim ng naturang pondo ay bigyan ng tulong pinansyal ang mga biktima ng illegal recruitment o human trafficking na kanilang natutulungan upang mahikayat ang mga ito na makipagtulungan sa kanilang imbestigasyon.

Paliwanag ng opisyal, suportado ni Sen Raffy Tulfo ang posibilidad ng pagkakaroon ng confidential fund ng DMW, habang para sa ibang senador ay mas pabor sa pagtataas na lamang ng pondo ng naturang ahensiya.