-- Advertisements --

Naglabas ng panuntunan ang Department of Migrant Workers para sa mga Pilipinong seafarers na Maa-assign sa mga barkong kinakailangang dumaan sa mga high-risk at conflict areas tulad ng Red Sea, at Gulf of Aden.

Ang mga itinakdang pamantayan na ito ng kagawaran ay layuning patuloy na matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng mga tripulanteng seafarers sa sumasampa sa barko at naglalayag sa mga delikadong lugar.

Sa gitna ito ng tumataas na insidente ng piracy, hijacking, at iba pang karahasan sa mga barkong dumadaan sa Red Sea, Gulf of Aden, at iba pa.

Sa ilalim ng Department Order No. 1 ay inaatasan ng ahensya ang lahat ng mga licensed manning agencies at ang iba pang mga accredited principals o employers na iwasan ang pagdaan sa naturang mga nabanggit na lugar at mga teritoryong kalapit nito.

Kaugnay nito ay minandato rin ng DMW ang nasabing mga kumpanya na magpatupad ng dagdag na compensation at security measures para sa mga Filipino seafarers na papayag na ipagpatuloy ang kanilang paglalayag sa naturang mga lugar.

Dapat din mabigyan ang mga tripulanteng ng apat na oras, oportunidad, at iba pang mga pamamaraan para mag-signify kung tutuloy o tatanggi ba ang mga ito na summa sa mga barkong may Naka-schedule na pagdaan sa mga high-risk areas.

Bukod dito ay kinakailangan din na I-report bilang significant event sa OFW Welfare Monitoring System ang pagdaan ng mga barkong may lulan na mga Pilipinong seafarers sa nasabing mga lugar.

Kaugnay nito ay inaatasan din ang mga licensed manning agencies na ipatupad ng naaayon ang desisyon ng mga Pilipinong tripulanteng partikular na ang kanilang mga karapatan na tumangging maglayag sa mga high-risk areas at war like zones nang walang discrimination at hindi dapat makakaapekto sa kanilang present at future employment.

Sa oras na magdesisyon ang isang tripulante na tumangging dumaan sa mga high-risk areas ay dapat din na tiyakin ng kanilang manning agency ang kanilang agarang repatriation pabalik sa Pilipinas.

Samantala, babala ng DMW ang sinumang lumabag sa naturang mga panuntunan ay mahaharap sa mga kaukulang kaparusahan na alinsunod naman sa mga polisiya, tuntunin, at regulations ng ahensya.