Malugod na tinanggap ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagpasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Magna Carta of Seafarers na malaki ang pakinabang nito sa mga Filipino seafarer.
Ayon kay DMW OIC Hans Leo Cacdac, ang panukalang ito ay lubos na makikinabang sa libu-libong marino ng bansa na malaki ang kontribusyon sa maritime industry.
Aniya, ang DMW ay patuloy na makikipag-tulungan sa iba’t-ibang ahensya upang masiguro ang kaligtasan ng mga seafarer.
Ang bersyon ng Senado ng panukalang batas ay naipasa sa plenaryo session ng Senado noong Miyerkules, Setyembre 27.
Ang panukala ay ipapadala sa congressional bicameral conference committee na maglalayong lutasin ang mga pagkakaiba sa pagitan ng hindi sumasang-ayon na mga probisyon ng bersyon ng Senado at Kamara.
Ayon kay Cacdac, ang pagpasa ng panukala ay nagpapadala ng malakas na senyales sa international maritime at shipping industry na ang Pilipinas ay desidido sa pagsunod sa mga obligasyon nito sa Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW) para sa mga marino.
Pinasalamatan din ni Cacdac si Pangulong Marcos sa pagsertipika sa panukalang batas bilang “urgent”.
Una rito, kabilang sa mga pangunahing highlight ng panukala ay ang Seafarer-Centric Approach na naglalagay sa mga Pilipinong marino bilang prayoridad, na may pagtuon sa kanilang mga karapatan, kaligtasan, at kagalingan habang nagtatrabaho sa dagat.