Hiniling ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Office of the Ombudsman na muling pag-aralan ang naging desisyon nito na ibasura ang mga reklamong plunder, graft, at malversation laban kay dating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio kaugnay ng kontrobersyal na P1.4-billion property deal na isinagawa nang walang pahintulot ng OWWA Board of Trustees.
Kabilang sa mga isinumiteng ebidensya ng ahensya ang dalawang tseke ng Land Bank na nagkakahalaga ng kabuuang P1.4 billion, na inisyu sa nagbenta ng ari-arian noong Agosto 30, 2024—12-araw bago ang petsa ng Deed of Absolute Sale.
Bukod dito, hiniling din ng DMW sa Ombudsman na imbestigahan ang umano’y hindi makitang 51 condominium units na isinama sa kabuuang halaga ng biniling mga ari-arian.
Pinaiimbestigahan din ang pagkakaiba ng P1.2-billion valuation ng Land Bank at ang aktuwal na P1.4-billion purchase price ng naturang property.
Nauna nang ibinasura ng Ombudsman ang mga reklamong plunder, graft, at malversation laban kay Ignacio dahil sa kakulangan umano ng sapat na ebidensya.
Gayunpaman, sa resolusyong may petsang Hulyo 7, sinampahan ng Ombudsman si Ignacio ng kasong usurpation of official functions matapos umanong kumilos mag isa nang awtoridad mula sa OWWA Board of Trustees.















