-- Advertisements --

Nakabalik na ng planeta ang kauna-unahang microsatellite ng Pilipinas na “Diwata-1” matapos ang apat na taong paglalakbay nito sa kalawakan.

Kinumpirma ng Space Technology and Applications Mastery, Innovation and Advancement (STAMINA4Space) ng University of the Philippines na nasa decommissioning stage na ang microsatellite noong March 23.

Ito’y bunsod umano ng patuloy na pagbaba ng altitude o pwesto nito mula sa lupa.

“This altitude is very close to the Karman line, or the widely accepted boundary between outer space and the Earth’s atmosphere. It is expected that beyond this altitude, the chances of successfully establishing contact with Diwata-1 are extremely low.”

“This, therefore, marks the official end of the mission lifetime of Diwata-1.”

Magkasamang binuo ng ilang Pinoy engineers at scientists mula UP Diliman ang microsatellite, kasama ang Tohoku University at Hokkaido University sa Japan.

Sinuportahan din ito ng Department and Science and Technology.

Noong March 23, 2016 nang i-launch sa International Space Station ang Diwata-1 na may bigat na 50-kilo.

Ito ay sa pamamagitan ng Atlas-V rocket sa Cape Canaveral, Florida na pinakawalan sa orbit ng astronaut na si Tim Peake noong April 27, 2017.

Batay sa data ng STAMINA4Space, nagawng i-cover ni Diwata-1 ang 38-percent o 114,087-squaremeter ng lupa sa Pilipinas.

Tinatayang 22,643 beses din daw itong umikot sa mundo, at halos 5,000 beses dumaan sa Pilipinas.

May 17,000 images naman daw itong nakuhanan mula sa kalawakan, at karamihan sa mga ito ang larawan ng naging epekto ng mga kalamidad na nagdaan.