-- Advertisements --
bske

Inirekomenda ng Commission on Elections sa Western Visayas ang pagsasampa ng disqualification cases laban sa anim na mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa mahigpit na ipinagbabawal na komisyon na premature campaigning at vote buying.

Ayon kay Western Visayas Regional Elections Director Dennis Ausan, gumamit umano ng social media at tarpaulin ang mga inakusahan ng premature campaigning para isulong ang kanilang kandidatura.

Dahil dito ay naglabas ngayon ng show-cause order ang kaniyang tanggapan kung saan bibigyan ang mga ito ng 48 hanggang 72 oras para sa sagutin ang naturang mga reklamo.

Samantala sa datos, nasa mahigit isang daang kandidatong tumatakbo sa iba’t-ibang puwesto sa barangay at SK polls sa rehiyon ang nahaharap sa mga reklamong inihain sa Task Force Anti-Epal o Task Force Anti-Premature Campaigning, kung saan direktang inihahatid ang show cause order sa mga kandidato.