Nakiisa ang League of Provinces of the Philippines (LPP) sa panawagan sa mga mambabatas na payagan na ang mga local government units na makabili ng direkta nang COVID-19 vaccines mula sa mga manufacturers.
Sa pagdinig ng House Committee on Health sa vaccination program ng pamahalaan, sinabi ni Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., ang presidente ng LPP, na kailangan ang pagkakaroon ng malinaw na authority mula sa national government para sa direktang pagbili ng mga LGUs ng COVID-19 vaccines.
“Our only concern is the authority of local governments from the national government to procure directly vaccines from the suppliers,” ani Velasco.
“Of course it has to pass through the national government, but we want clear authority to negotiate directly with the suppliers,” dagdag pa nito.
Sinabi ni Velasco na bagama’t naka-reserve na ang mga bakunsa para sa 70 percent ng national population ayon kina vaccine czar Carlito Galvez at Health Sec. Francisco Duque III, umaasa ang mga LGUs na makapag-secure ng kanilang sariling bakuna para sa nalalabing bilang ng kanilang constituents.
Sa ngayon, pinapayagan ang mga LGUs na makabili ng COVID-19 vaccines sa pamamagitan ng tripartite agreements sa national government ang mga manufacturers ng bakuna.
Nauna nang inihain ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang isang resolusyon na humihiling sa national government para payagan ang mga LGUs na direktang makabili ng bakuna kontra COVID-19 mula mula mismo sa mga manufacturers.
Magugunita na target ng pamahalaan na mabakunahan ng 50 hanggang 70 million katao sa bansa para sa kasalukuyang taon, at nasa 50,000 rito ay inaasahang matuturukan ng COVID-19 vaccines pagsapit ng Pebrero.
Nauna nang sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na ang bakuna na gawa ng American company na Pfizer ang siyang unang gagamitin kontra COVID-19 sa Pilipinas dahil magkakaroon ng maagang rollout ang COVAX Facilty para sa brand na ito.










