MANILA, Philippines — Hiniling ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, sa House prosecution panel na maiskedyul nang mas maaga ang kanyang pagtestigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang hindi maantala ang paglilitis.
Sa liham na na ipinadala kay lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, sinabi ni Matibag na nakatakda siyang dumalo sa isang summit ng mga law enforcement leaders sa Thailand sa Hulyo 21 at 22, kaya hiniling niyang makaharap sa Senado bago ang Hulyo 20.
Ayon kay Matibag, personal niyang kakatawanin ang NBI sa pagpupulong kasama ang mga opisyal ng Federal Bureau of Investigation at Royal Thai Police tungkol sa mga scam at transnational organized crime sa Asia-Pacific.
Dahil dito, hiniling niyang mauna ang kanyang testimonya upang hindi maapektuhan ang takbo ng impeachment proceedings.
Inaasahang magbibigay si Matibag ng testimonya kaugnay ng imbestigasyon ng NBI sa umano’y pagbabanta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ang naturang alegasyon ang isa sa mga pangunahing batayan ng Articles of Impeachment na inihain laban sa bise presidente.















