Suportado ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano ang naging rekumendasyon ng MMDA at ng mga Metro Manila Mayors na palawigin ang General Community Quarantine (GCQ) status sa kalakhang Maynila hanggang sa katapusan ng taon.
Sa panayam kay Sec. Ano sa Kampo Aguinaldo kanina, sinabi nito na sa ngayon ang Metro Manila pa rin ang epicenter ng COVID 19 dahil sa mataas na kasong naitatala araw-araw.
Dahil dito hindi pa dapat mag-relax o magbaba ng quarantine status lalo pa’t magpapasko at may tendency ang mga tao na lumabas at magkaroon ng handaan at pagtitipon.
Ayon kay Ano, target ng gobyerno na maitawid ang Pasko na mababa ang kaso ng COVID-19, kaya nararapat lamang na isailalim pa rin sa GCQ ang National Capital Region.
Dagdag pa ng kalihim, kahit GCQ, pinapayagan naman ang unti unting pagbubukas ng mga negosyo para sumigla ang ekonomiya.
Magugunita na naghain ng rekumendasyon ang Metro Manila Council sa IATF na palawigin ang GCQ hanggang sa matapos ang taong 2020.
Binigyang-diin ni Ano na masyado kasing maluwag kung pairalin ang modified general community quarantine at mahirapan ang mga otoridad na kontrolin ang galaw ng mga tao.
Samantala, inilunsad kanina ng DILG at DOH ang Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) na isang community organization na tututok sa pangangailangang medikal na may kaugnayan sa COVID-19.
Suportado din ng BHERT ang local Epidemiology and Surveillance Units, ang Contact Tracing Teams sa paglocate sa mga confirmed Covid-19 patients.
Sinabi ni Ano, magbahay-bahay ang nasabing team para tukuyin kung may mga kaso ng Covid-19 sa mga barangay at i-facilitate ang mga pasyente na may sintomas patungo sa isang temporary and monitoring facilities.