Tiniyak ni Department of Interior and Local Governement Secretary Benhur Abalos Jr. na tututukan ang hustisya para sa menor de edad na biktima ng mistaken identity sa Lungsod ng Navotas.
Pangako ng kalihim, gagawin umano niya ang lahat para makamit ng pamilya ng biktimang si Jerhode Jemboy Baltazar ang hustisya.
Kahapon ay binisita ni Sec. Abalos ang burol ni Jemboy.
Kahapon din ay nagsimula nang gumulong ang imbestigasyon ng PNP Inspector General sa nasabing kaso, kung saan anim na pulis ang kanilang isinailalim sa serye ng imbestigasyon.
Ayon kay Sec. Abalos, tututukan niya ang imbestigasyon dito, upang mapanagot ang mga pulis na sa kasalukuyan ay nakakulong na.
Nahaharap din aniya ang anim na pulis sa kasong kriminal at administratibo.
Dahil na rin sa nasabing insidente, pinarerepaso ng kalihim sa pamunuan ng pambansang pulisya ang kanilang operational procedures tuwing may mga operasyon.
Ito ay upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.