-- Advertisements --

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng regional offices nito na magtalaga ng response desk para sa mga uuwing OFW dahil sa COVID-19 crisis.

Ayon kay Interior Sec. Eduardo Año, tugon ito ng kagawaran sa mga lumabas na ulat kung saan ilang Pinoy overseas workers ang hinaharang papasok sa kanilang barangay at health facilities para sa quarantine.

“Miscommunication and misinformation should both be out of the question. Kaya magkakaroon ang Kagawaran ng mga OFW desk sa regional offices pati ang pagtatalaga ng desk officer sa bawat rehiyon, lalawigan, at lungsod,” pahayag ng kalihim sa isang statement.

Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2020-075, inatasan ni Sec. Año ang lahat ng regional offices, kabilang na ang BARMM government, na magtalaga ng local government operations officer.

Maaari raw humugot ng opisyal mula sa local DILG field offices para maging LGOO desk officer ng OFWs sa kanilang lugar.

“They must ensure that local government units, including the BARMM, provide all the necessary assistance to the OFWs.”

Simula nang pumutok ang COVID-19 pandemic, nakapagtala ang DILG ng 8,000 OFW na nakauwi ng Pilipinas.

Kaakibat daw ng kanilang pagbabalik bansa ang pagsunod din sa ipinatutupad na mandatory quarantine bago makauwi sa kani-kanilang mga bahay.