-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Department of Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos Jr. na hindi solusyon ang pagkakabaha-bahagi para tugunan ang mga suliraning kinakaharap ng bansa.

Ito ang iginiit ng kalihim sa isang pahayag kasunod ng mga isyung may kaugnayan sa mungkahi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihiwalay na ang Mindanao sa Pilipinas.

Sabi ni Abalos, upang matiyak ang patuloy na kapayapaan, progreso, at development sa Mindanao, kinakailangang manatiling nagkakaisa ang buong Pilipinas at hindi aniya ang paghihiwalay ang solusyon para rito.

Punto niya, ang pagpapatupad ng pagbubukod ng Mindanao mula sa Pilipinas ay maaaring makalabag sa konstitusyon ng ating bansa at makasisira rin sa territorial integrity ng Pilipinas.

Aniya, dapat na gamitin ng taumbayan ang karapatan nito sa self-determination dahil ito ay nangangahulugan aniya ng pagtataguyod sa political, economic, social at cultural development kasabay ng pagrespeto sa territorial integrity at legal process ng pamahalaan.

Kaugnay nito ay inihalimbawa pa ng kalihim ang pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na mayroong sariling pamamahala na alinsunod pa rin sa batas ng Pilipinas.

Dahil dito ay hinimok muli ni DILG Sec. Abalos ang lahat ng stakeholder na itaguyod ang kasagraduhan ng konstitusyon ng Pilipinas para sa isang matatag, nagkakaisa, at hindi nababahaging bansa.