Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na walang special treatment na matatanggap si Senator Jinggoy Estrada at ng iba pang akusado sa umano’y P537 million flood control corruption scandal.
Ayon kay Remulla, daraan si Estrada sa parehong proseso na ipinapatupad sa lahat ng mga taong nasa kustodiya ng pulisya, kabilang ang booking procedures, fingerprinting, mugshots, at medical examination.
Magugunitang inaresto si Estrada sa loob ng Senado matapos isilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest na inilabas ng Sandiganbayan kaugnay ng kasong plunder na isinampa ng Office of the Ombudsman.
Matapos mabasahan ng kanyang mga karapatan at maipaliwanag ang mga kaso laban sa kanya sa presensya ng kanyang abogado, dinala siya sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) headquarters sa Camp Crame para sa kaukulang proseso.
Samantala, isiniwalat ni Remulla na nagkaroon sila ng maikling pagtatalo ni Senate President Alan Peter Cayetano habang isinasagawa ang pag-aresto. Ayon sa kalihim, iginiit ni Cayetano na hindi dapat arestuhin ang isang senador sa loob ng Senado at dapat muna itong palabasin ng gusali bago ipatupad ang warrant.
Gayunpaman, sinabi ni Remulla na walang umiiral na batas na nagbabawal sa mga awtoridad na magsagawa ng pag-aresto sa loob ng Senado.
Matapos makumpleto ang mga kinakailangang proseso sa Camp Crame, inilipat si Estrada sa Sandiganbayan para sa mga susunod na legal procedure kaugnay ng kanyang kaso.
Kasama rin sa arrest warrant ang dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan at iba pang mga respondent sa kaso. Ayon sa DILG chief, lahat ng nasasangkot ay na-account na ng mga awtoridad.
Binigyang-diin ng opisyal na ang desisyon ukol sa kustodiya at detention arrangements ng mga akusado ay nasa kamay na ng Sandiganbayan.
















